Paano mo malalamang Valentine’s na? Paanong hindi mo malalaman kung kahit saan ka lumingon, may nag-de-date. May nasisinghot ka na ding pollen grains dahil sa dami ng nakaparadang bulaklak. Meron nang puso at rosas na kendi o tsokolate sa estante ng 7-11. Parang may perya sa kalsada dahil sa mga naglalako ng lobo at teddy bear.

Kung naghahanap ka ng mga hindi pa gasgas na paraan para ipagdiwang ang Araw ng mga Puso kasama ang iyong significant other, naglista kami ng ilang kakaibang ideya na tiyak na pang-#relationshipgoals.
(Pero kung ang February 14 ay Singles Awareness Day para sa iyo, meron din kaming ilang ideya para mas ma-enjoy o ma-survive ang araw na ito!)
1. Mag-HHWW sa National Museum
Free admission na ang National Museum, nakapunta na ba kayo? Mag-selfie kasama si bae at ang higanteng Spoliarium ni Juan Luna.
Imagine na tumutugtog sa background ang theme song niyo habang slow-motion na naglalakad sa mahahabang pasilyo. Pwede ding mag-contest sa pagkuha ng litrato ng mga artifact at iba pang display. Appreciate history, arts, and good company.

2. Mag-reminisce sa UP Fair.
♫ Sandali na lang / Maaari bang pagbigyan / Aalis na nga / Maaari bang hawakan ang iyong mga kamay… ♪
♫ What is that sad look in your eyes. Why are you crying. Tell me now, tell me now. Tell me, why you’re feelin’ this way ♪
♫Nitong umaga lang / Pagka lambing-lambing / Ng iyong mga matang / Hayup kung tumingin ♪
Kinanta mo? Nakarelate ka? Isa ba sa mga kantang yan ang tumutugtog sa first date niyo? Reminisce good memories sa UP Fair. Stand close parang sa toothpaste commercial at sumabay sa kantahan.
Bond over music. Hindi kailangang mag-usap. Hayaang lunurin ng musika ang oras at anurin ng mga titik at tono ang naguumapaw n’yong #feels.
Sabi nila, mas compatible daw ang dalawang taong pareho ng musical taste. Kaya kung iniidolo niyo ang parehong mga banda at napapaindak sa parehong mga kanta, malamang MFEO na nga kayo.
3. Mag-stargazing

Naka-move on na ba kayo sa hype ng #SuperBlueBloodMoon? Hindi na kailangang maghintay ng 150 years pa ulit para sa isang romantic date #underthestars.
At dahil magtatago ang buwan sa Feb 14, pagkakataon mo nang bumanat sa date mo ng “Aanhin pa ang buwan, kung sayo palang nasisilaw na ako?” Boom. At humanda ka na ring makakita ng mga bituin kung ‘di n’ya gets ang humor mo.
Bukas ang PAGASA Observatory mula ika-4 ng hapon hanggang ika-11 ng gabi para sa public viewing, humanap lang kayo nang mag-a-assist sa tambayan nila. Pwede ring bumisita sa National Museum Planetarium at panoorin ang Hayabusa o Journey for a Billion Suns.
4. Magpakabusog sa pagkain at bagong experience

Natikman niyo na yung Liquid Nitrogen Ice Cream? Napuntahan niyo na yung restaurant na maraming aso? E yung maraming pusa? Artsy? Nasubukan niyo na magpaint habang nasa café?
Hindi na lang pagkain at inumin ang inaalok ng restaurants ngayon, nasa menu na rin nila ang iba’t ibang experience. Kung gusto niyong magbonding over shared interest or shared curiosity, o kaya ay sabay na matututo ng bagong skill, hindi kayo mauubusan ng pagpipilian.
Subukan ang ilan sa mga restaurants na may kakaiba at nakaaaliw na concepts tulad ng The Iscreamist, Barkin’ Blends, Cat Café Manila, at Sip & Gogh.

5. Pagsabayin ang #fitnessgoals at #relationshipgoals
Kung sakaling fully-booked na ang restaurants na bet niyo, bakit di na lang subukang maging power couple at pagsabayin ang fitness at relationship goals. It may be underrated, but it’s romantic to see two people pushing each other to be better versions of themselves. Oha!
Girls, makikita dito ang pagmamahal ni boyfriend sa kabila ng humulas mong foundation, concealer at mascara. Guys, malalaman niyong supportive talaga si girlfriend kung kaya pa rin niyang tawanan ang corny jokes mo kahit naghahabol na siya ng hininga.
Mag-set na dito ng starting at finish lines para sa goals niyo: MOA Grounds, Filinvest City, BGC, CCP-Roxas Boulevard-Luneta Park, Quezon Memorial Circle, UP Diliman, Ayala Triangle Gardens, o Circuit Lane Makati
6. Manood ng pelikulang Tagalog
Sakaling Hindi Makarating. Sana Dati. Ang Kwento Nating Dalawa. 4 Days. Lila. What Home Feels Like. Ang Larawan. Kita Kita. Siargao. I’m Drunk, I Love You. Napanood n’yo na?
May makakatalo ba sa nakasanayan na? Kung classic date ang trip niyo, subukang manood sa local movie houses.

Bakit? Una, mas mura ng ‘di hamak ang ticket nila kumpara sa mga sinehan sa mall. Pangalawa, mas homey at intimate ang atmosphere. Pangatlo, to break routines and keep things fresh. Pang-apat, makakatulong kayo sa local movie industry at maliliit na businesses. Pang-lima, subukan n’yo na lang nang malaman.
Bisitahing ang link na ito para sa listahan ng mga lugar na pwede niyong puntahan.
7. V-O-L-U-N-T-E-E-R!
Hinihikayat namin kayo mag-volunteer hindi lang dahil sa nasa blog ka ng iVolunteer ngayon. Isa ito sa best date ideas na pwedeng magpabago ng takbo ng relasyon niyo.
Sa pag-vo-volunteer, makikita mo kung paano makitungo ang partner mo sa iba’t ibang klase ng tao. Paano ba n’ya tratuhin ang mga taong hindi niya kailangang i-impress?
Kaya ba niyang turuan magbasa ang batang maraming kaagaw ang atensyon? Mahaba ba ang pasensya niya sa kakulitan nila?
Makakangiti pa ba siya kahit pagod na at may pintura sa mukha? Paano siya makisama at makipagusap sa kapwa volunteers o indigenous people na tinutulungan niya?
Dahil dito, magkakaroon ka ng ideya kung paano niya pakikisamahan ang sutil mong bunso o ang bully mong kuya, at kung paano niya igagalang ang nanay at tatay mo.
May bago kang matutunan sa kanya. Makikilala mo ang ibang side niya. Maaring mas lalo niyong mahalin ang isa’t isa o marealize niyo na kailangan niyo pang magtulungan para mag-grow at mag-improve kayong pareho.
Mag-e-expand ang mundo niyo. Hindi na iikot sa inyong dalawa lang. Magiging mas handa kayo sa reyalidad. Isang araw, magpapasalamat ka na lang at napadpad ka sa website ng iVolunteer.
Gie Maningas, iVolunteer Philippines