Nakakatulong Ka Ba?

Nakatutuwa sa panahon ngayon na maraming dumadagsang volunteer. Dahil sa mga makikitang anunsyo sa social media, internet, at telebisyon, maraming nagsisimulang tumulong.

Ang pagvovolunteer ay isang mabuting gawain – karaniwang nakatutulong ito sa komunidad at sa paghubog ng pagkatao at kakayahan ng isang volunteer. Subalit may mga pagkakataon na ang pagvovolunteer ay hindi nakatutulong. Paano nga ba nangyayari na ang isang mabuting hangarin ay hindi nakabubuti?

Ang pagmumungkahi ng solusyon bago ang pag-intindi sa problema

May pagkakataon na may ninanais tayong gawin ngunit hindi natin inaalam kung para saan talaga ito. Marami tayong suhestiyon sa mga maaaring gawin ng gobyerno o di kaya ng isang institusyon subalit hindi natin inuunawa ang kabuuan ng problema. Dahil excited na tayo sa ating ideya, kadalasang ipinipilit natin ito bilang tamang solusyon kahit pa hindi ito naaakma sa problema.

Upang maiwasan ito, makabubuting kausapin muna ang mga taong may higit na kaugnayan sa araw-araw na pangyayari tulad ng komunidad, gobyerno, o mga NGO na tumutugon sa mga suliraning panlipunan. Hindi sapat ang makita ang problema sa telebisyon o kaya ay mabasa lamang ito sa internet at social media. Maaari ring makisangkot nang mas matagal at kumuha ng sapat na karanasan at impormasyon bago ipresenta ang naiisip na solusyon nang sa gayon ay masiguradong tama ito.

Ang pagbibigay ng ideya na hindi sinusundan ng pagkilos

Marami sa atin ang hindi natutuwa sa tagal ng mga pagbabago na ipinapangako ng ating gobyerno at ng mga pribadong sektor tulad ng mga NGO. Marami ang nagbibigay ng opinyon sa social media ngunit hanggang doon na lamang.

Sa halip, subukang magvolunteer at pumunta kung nasaan ang mga mahahalagang kaganapan. Doon, siguradong maraming matututunan at higit na maiintindihan na hindi mabilis makamit ang mga pagbabago. Labis ang kakulangan sa kapasidad ng mga gumagawa ng pagbabago. Sa pamamagitan ng pagvovolunteer, makatutulong na mas mapabilis ang pagpapatupad ng mga solusyon. Bilang mga Pilipino, siguradong marami tayong ideya at sagot sa problema, ngunit kailangan rin nating kumilos.

Ang pangangako at hindi pagtupad dito

Marami sa atin ang nagsa-sign-up sa mga volunteer event ngunit hindi nagpapakita. Marahil naiisip natin na “Volunteer lang naman ako. Okay lang ang hindi pumunta.” Ang hindi natin naiisip ay inaasahan tayo ng komunidad at ng institusyong ngangailangan ng mga volunteer. Kadalasan, ang isang event ay pinaghahandaan ng mga organizer nang mabuti.

Halimbawa, sa isang tutoring session, kailangan ng sampung volunteer para sa sampung batang kailangang maturuan. Ang hindi pagsipot ay nangangahulugan na may ilang kabataang walang tutor. Bakit hindi natin gampanan nang maayos ang ating commitment bilang volunteer? Maging professional!

Kapag nag-sign-up, ugaliing isulat ito sa organizer o kalendaryo at sikaping pumunta. Sa pagkakataon ng emergency o iba pang hindi maiiwasang bagay, sabihan nang maaga ang mga organizer at magkansela sa website ng iVolunteer upang makahanap ng kapalit na maaaring tumulong. Ito ay inaasahan sa mga bago at matagal nang volunteer.

Ang pag-una sa sarili

Maraming pagkakataon na nakaririnig tayo ng mga salitang “Ako na nga ang nagvolunteer ganito pa,” lalo na kapag ang volunteer ay may mga inaasahan na hindi natugunan.

Tinatawag natin itong “volunteer entitlement” kung saan ang isang volunteer ay nag-iisip na ang kanyang oras at kakayahan ay higit na mahalaga kumpara sa tinutulungang institusyon o komunidad. Kadalasang makikita rin ito sa paghingi ng “special treatment” bilang isang volunteer.

Minsan ang hindi natin naiisip ay may mga iba ring suliranin at dapat unahin ang komunidad o mga social worker na dahilan kaya hindi tayo nabibigyan ng malaking pansin. Ang pag-unawa ay para sa lahat. Ngunit para makatanggap ng naangkop na pag-unawa bilang isang volunteer, mauna na tayong magbigay pag-unawa sa iba sa pamamagitan ng pagsasaisip sa kanilang kalagayan. Maging proactive at iwasang mapabigat pa ang gawain ng iba dahil sa ating mga kahilingan. Maging mas sensitibo sa kalagayan ng iba. Sa ganitong paraan, mas mauunawaan ang kanilang suliranin at mas makapagbibigay ng maayos na tulong at solusyon.

Sa dami kong nakasalamuha na kapwa volunteer, marami akong iba’t ibang motibasyon, interes, at karakter na nakita. Para maging isang epektibong volunteer, kailangang maintindihan natin ang mga tungkulin ng isang volunteer.

May masayang mga pagkakataon at mayroon rin namang seryoso. May mga gawaing tila simple ngunit kadalasan ay mahirap tuparin dahil malaki at komplikado ang mga problema. May mga bagay na higit na nangangailangan ng malaking sakripisyo ngunit makakapgbigay ng mas malaking epekto.

Ngayong alam na natin ang mga dapat iwasan, subukan nating magvolunteer. Siguradong magiging simula ito ng pagbabago sa ating sarili at komunidad.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.