Katutubo kung kami’y tawagin,
Kababayan ninyo bang ituring?
Sa ami’y walang pumapansin,
Hinahamak pa ng nagmamagaling.
Karamihan sa ami’y nasa kabundukan,
Malayong malayo sa kabihasnan.
Minsan ay bumababa sa kapatagan,
Subalit ang loob ay walang kapanatagan.
Takot kami sa mga matang mapangutya,
Na para bang kami ay masama.
Maipalit lang ang aming kalakal ang sadya,
At kahit anong tulong ang inyong maihanda.
‘Di naman namin nais ang karangyaan,
Huwag lang kami’y tanggalan ng karapatan,
Sa paninirahan sa tinubuang lupa,
Kung saan naroon likas na yaman ng bansa.
Kami’y itinatanghal sa mga dayuhan,
Sagisag ng kultura at sining ng bayan.
Subalit tunay ninyo bang alam aming pagkakakilanlan?
Na tulad ninyo, Pilipino rin kaming may karapatan sa bayan.
Ang ating kapwa Pilipino na mga katutubo ay sagisag ng kultura, tradisyon at sining ng bayan. Sila ay kaisa natin sa pangangalaga ng ating mga likas na yaman. Sa kabila nito ‘di katulad ng pangkaraniwang mamamayan, salat sila sa mga pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at iba pa. Makiisa tayo sa pagsuporta at pagtulong sa kanila. Maging bayani para sa mga katutubo ng Pilipinas.
Written by: Liezl T. Casiquin, iVolunteer Philippines
Visit, follow and like iVolunteer’s Facebook Page for Regular Updates: https://www.facebook.com/ivolunteerphils
Sign up for Volunteer Opportunities through iVolunteer’s Website: https://www.ivolunteer.com.ph/