“Hindi na raw pumapasok ito?”
Tumigil sa paglalakad ang si Titser Fe upang hagilapin ang mga magulang ng batang nagmano sa kanya. Gayunman, kapitbahay lamang nila ang kanyang nakausap. Samantala, humingi ng ilang minuto sa’kin ang guro habang ang binatilyo nama’y bumalik sa paglalaro.
Nung hindi mahanap ang kanyang pakay, nagbilin na lamang si Titser Fe na ipapaabot niya sa mga guro ng La Huerta ang dahilan kung bakit hindi na pumapasok ang kanilang estudyante.
Sa kabuuan, mahigit isang dosenang kabataan siguro ang nagmano sa’king kasama habang patungo at pabalik kami sa ilalim ng tulay kung saan siya nagtuturo bawat Sabado ng hapon. Sa labas man o loob ng paaralan, tangan ni Titser Fe ang pagiging isang guro.
Tumabi ako sa gilid ng daan kasama si Zenaida, isang taon na umanong katulong ni “Titser Fe” Matullano Lustanas sa “Education Under the Bridge” (EUD), isang proyektong unang itinaguyod ng guro katuwang ang kanyang asawang si Robert sampung taon (2009) na ang nakakaraan. Hindi tulad ni Titse Fe na umaapaw ang sigla, halos walang imik ang kanyang “co-teacher” tuwing Sabado; pangiti-ngiti lang. Kung meron man silang pagkakapareho, yun siguro yung pagiging malapit sa mga bata.
“10 years… parang kayo [sa iVolunteer],” naunang paghahalintulad ng guro nung ibahagi nito ang anibersaryo ng kanyang munting NGO.

Hapon na nung ako’y dumating sa La Huerta Elementary School kung saan nagtuturo si Titser Fe ng kindergarten. Napa-aga ako ng isang oras kaya nakiusap akong makisali muna sa kanyang klase. Dito ko nakilala si Angel na dal’wang beses ata ipinakilala ng kanyang guro para raw ‘di ko makalimutan ang pangalan.
Napangiti yung bata nung ako’y magpakilala, akala ata nagbibiro ako dahil magkatunog kami ng pangalan. “Angelo,” pagbabahagi ko sa mga classmates namin. Siyempre, pinanindigan ko na, ‘di ba?
Samantala, hindi nag-atubili ang dalagita na magpakitang gilas sa pagbabasa nung siya’y maatasan ng kanyang guro. “Kailan ko lang nalamang marunong [nang] magbasa yan,” pagmamalaki pa ni Titser Fe. Ayon sa kanya, isa sa mga volunteers ang nakapuna na mahusay na palang magbasa ang dating walang imik na si Angel, isa sa mga batang nag-aaral sa La Huerta na dumadalo rin sa EUD tuwing Sabado.
Sa ngayon, kindergarten hanggang ikaapat na baitang ang mga tinatanggap ng EUD. Ang kurikulum, paglilinaw ng maestra, ay hango mismo sa pamantayan ng DepEd. Kung ano man ang matutunan ng mga bata sa ilalim ng tulay, madadala nila ito kahit saan.

Ano ang Education Under the Bridge?
Taong 1993 noong nagsimulang maging guro si Titser Fe sa kanyang probinsya. Katulad ngayon, elementarya at mga bata ang kanyang tinuturuan dati sa Cavite.
Samantala, mula 2007-2009, naging karagdagang trabaho niya ang pagtuturo sa isa sa mga unang bersyon ng tinatawag nating Alternative Learning System (ALS). Nung siya’y umalis sa programa, dito nakita ng guro ang pagkakataong itayo ang EUD sa tulong ng kanyang kabiyak.
“Isa sa mga napag-usapan [namin] nung bago kami ikasal ay kung paano namin ilalaan yung panahon namin bilang mag-asawa,” pagbabahagi ni Titser Fe.
Noong sila’y magsama, huli na para sa magkabiyak ang magkaanak. Sa halip, ang EUD ang naging bunga ng kanilang pag-iisa at pagnanais makatulong sa kanilang komunidad. Sa isang punto nabanggit ni Titser Fe na kung posible man silang magkaanak noon, sampung taon na ang nakakaraan, “Grade 4 na rin siguro yung anak namin.”
Dal’wang oras ang inilagi namin sa ilalim ng tulay kahit umaambon at pabalik-balik ang mga truck na naghahakot at nagtatambak ng lupa. Ayon kay Titse Fe, hanggang Biyernes lang naman ang konstruksyon, kapag Sabado, sa kanila na muli ang tulay. Pero, para kanino nga ba ang tulay?
Ilang metro mula sa tulay, matatagpuan ang isang Seafood Market. Ayon sa guro, ilan sa mga estudyante nila ay anak ng mga mangingisdang lumuluwas para makipagkalakaran sa naturang palengke. Imbis na tuluyang matigil ang mga bata sa pag-aaral, inaaya nila itong dumalo sa EUD.
Samantala, karamihan sa mga mag-aaral sa ilalim ng tulay ay mula rin sa La Huerta at iba pang kalapit na barangay. “Bakit pa ‘ko lalayo?” ani Titser Fe nung aking itanong kung bakit La Huerta ang kanyang napiling paglingkuran. Sa isang punto ng aming pag-uusap, inamin niyang hindi lahat ay pabor sa EUD at mga programa nito. Gayunman, matimbang para sa guro ang pagnanais na punan ang pangangailangan ng kanyang komunidad higit sa ano pa man. “Kung hindi ko gagawin ‘to, sino pa’ng gagawa?”

Ang iVolunteer at Education Under the Bridge
Isa sa mga naunang katuwang ng Education Under the Bridge ang Aral Pinoy na nataon namang isa rin sa mga pinakamatagal nang kasangga ng iVolunteer.
Ayon kay Titser Fe, ang naturang mga organisasyon ang ilan sa mga pinakamasugid na taga-suporta ng EUD. Katunayan, masiglang ibinahagi ng guro kung paanong ang iVolunteer ay naging daan upang makilala niya ang hanggang ngayo’y isa sa kanilang pangunahing sponsor.
Samantala, higit sa mga aralin at proyekto, pinaalala sa’kin ni Titser Fe na ang kabutihang asal ang isa sa pinaka-mainam na kaalaman na ibinabahagi nila sa mga estudyante ng La Huerta. Ipinagmalaki rin ng guro na ilan sa kanyang mga naging estudyante noon ay hindi nakalimot na magbalik-tanaw sa EUD at dalawin siya at ang mga bagong mag-aaral sa ilalim ng tulay.
Ang mga maliliit na nonprofit na katulad ng EUD ang nais ng iVolunteer na mas hikayatin pa na pagyamanin ang kanilang presensya sa internet at ang kanilang mga koneksyon sa volunteering community. Kung may kakilala kang katulad ni Titser Fe o organsisyong kagaya ng Education Under the Bridge, sumulat lang sa partnerships@ivolunteer.com.ph upang matulungan namin sila/kayo na makahikayat pa ng mas maraming volunteers.
Sa gitna ng aming pag-uusap, naibahagi rin ni Titser Fe at Zenaida ang ilan sa mga hamon na hinaharap nila lingo-linggo, gaya na lang ng minsa’y hindi pagsipot ng mga volunteers at ang pagtutol ng ibang mga taga-barangay sa programa ng EUD. Habang pinagmamasdan ko ang paligid, naitanong ko rin kung paano nagiging “classroom” ang isang bahagi ng tulay tuwing Sabado.
Ayon kay Zenaida, na nangunguna sa pag-aayos ng kanilang mga klase sa EUD, may nakalaan na umanong espasyo para sa kanila tuwing Sabado, basta’t tiya-tyagain lamang nila at mga volunteers ang paglilinis ng kalsada. Dagdag pa niya, mas naging aktibo na ang barangay sa pagsaway sa mga tambay at mga nagsusugal sa ilalim ng tulay.
Suportado ng Bolongan sa La Huerta ang EUD, sa katunayan, may maliit na sweldong natatanggap si Zenaida mula sa barangay para maging katuwang ni Titser Fe sa kanyang mga proyekto. Subalit, dahil sa gusto rin naman ng ginang ang kanyang ginagawa, maging ang mga anak niya’y kasama niya minsang maging volunteer ng EUD.
Samantala, ang pag-aayos at pagbubuhat ng mga upuan at lamesa ay lingguhang inaatas ni Titser Fe sa ilang kalalakihan na taga-barangay. Nagbabayad na lamang sya umano ng Php 200.00 bawat araw na sila’y may klase. Ang mga aklat at ilan pang kagamitang gamit sa pagtuturo ay hinihram naman umano nila mula sa Mababang Paaralan ng La Huerta.
Alam ko namang hindi biro ang pagiging guro, kaya talagang malaki ang respeto ko sa kanila. Pero, itong kay Titser Fe, pihado, mas tumaas pa. Bago kami maghiwalay, isang pahabol na katanugan ang ibinato ko sa butihing guro at tagapag-taguyod ng Education Under the Bridge.
“Learning Center,” buong siglang wika ni Titser Fe na nakaturo sa isang bakanteng lote na puno ng bato at panambak. “Malay mo makahanap kami ng sponsor. Sana talaga, Gelo.”
Sana nga, gaya ng nais ni Titser Fe, magkaroon ng maliit na tatlong-palapag na gusali ang EUD para sa kanilang mga estudyante. “Yung 3rd floor, doon na magpapahinga yung mga volunteers [na galing sa malayo].”
Marami pa namang maaaring mangyari sa loob ng susunod na sampung taon, hindi ba? Malay natin, may tulay para sa mga pangarap ni Titser Fe.
To learn more about Education Under the Bridge, you may reach out to “Titser Fe” at https://www.facebook.com/fe.matullanolustanas or sign up and volunteer through our website here: https://www.ivolunteer.com.ph/organizations/158.