Nitong nakaraang Hulyo, nasubok muli ang katatagan at pagbabayanihan ng mga Pilipino kasunod ng mga paglindol na yumanig sa isla ng Batanes. Bukod sa mga pamilyang naapektuhan, ilang mga kilalang tourist attraction din ang nagtamo nang matinding pinsala dulot ng mga pagguho. Kasuod nito, naging maagap naman ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa Batanes sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batanes disaster operation
Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan ay ang ahensya ng pamahalaan na responsable sa paghahatid ng serbisyong panlipunan, gayundin sa pangangalaga ng mga karapatang pantao ng bawat Pilipino. Sila rin ang nagsasagawa ng mga relief operations tuwing may mga kalamidad o sakuna upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta.
Nitong ika-10 ng Agosto, nagpatuloy ang nakasanayang operasyon ng DSWD-National Resource Operations Center sa Brgy 195, NAIA Chapel Rd, Pasay City. Dito, karaniwang nakakatuwang ng ahensaya ang mga volunteers upang magrepack ng tone-toneladang mga relief goods na sa pagkakataon ngang ito, ay ipapadala sa mga nasalanta ng lindol sa Batanes.

Ang family food pack na ipamamahagi sa mga napinsala ay karaniwang naglalaman ng anim (6) na kilong bigas, anim (6) sachet ng kape, apat (4) na sardinas at apat (4) na corned beef na kayang mapakain ang hanggang limang tao sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Kasama ng mga naturang pagkain, namamahagi rin ang ahensya ng mga kasangkapan na tinuturing na pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng sakuna.
Mga dapat asahan sa repacking operations
Sa mga unang beses magvolunteer, kinakailangan muna nilang dumaan sa orientation kung saan ipapaliwanag ng Volunteer Management Officer ng DSWD na si John Jasper Sanchez sa mga volunteers ang mga dapat at hindi dapat gawin sa ibat-ibang warehouse sa loob ng Operation Center. Matapos ang maiksing briefing ay saka sila tutungo sa warehouse kung saan sila nakatalaga upang simulan na ang paggawa ng family food packs.
Sina Maria Fe Elli, Production Management Head; Reynante Galanza, Quality Inspector at Justice Banzuela, Warehouse Personnel ay ilan lamang sa maraming staff ng DSWD na tumutulong sa mga volunteers sa tatlong aktibidad para sa araw na iyon: coffee bundling, manual production, at quality inspection. Bago dumating sa production section, lahat ng produktong ipinapamahagi ng DSWD ay dumadaan sa quality inspection gaya na lamang ng mga de-lata kung saan sinusuri itong mabuti upang malaman ang expiration date ng produkto at masigurong hindi dented o kinakalawang ang mga pinagkakalagyan nito.
Sa coffee bundling, manu-manong pinagbibigkis ng mga volunteers ang anim na sachet ng kape, samantalang sa manual production nama’y pinagsasama-sama ang bigas, sardinas, at corned beef sa isang box.
Upang maiwasan ang infestation sa bigas, dumadaan ito sa Vacuum Packing & Sealing para masigurado na maaalis ang mga bukbok at kung ano mang insekto na maaaring makapinsala sa pagkain.
Patuloy ang relief operations ng DSWD sa buong buwan ng Agosto at kaisa nila rito ang iVolunteer na nangangalap ng mga karagdagan volunteers na maaring tumulong sa maghapong pagrerepack ng mga relief goods.

DSWD at iVolunteer Philippines
“Simula nung nagparticipate kami doon sa iVolunteer Expo (Go! Volunteer), so medyo nakikilala na kami. Ngayon may mga bago na kaming recruits na org na nakita kami sa iVolunteer. So, so far so good talaga yung tulong ng iVolunteer platform kase right now we are trying to create din yung platform namin kase were aiming na sana may profile din yung aming mga volunteers.” – John Jasper Sanchez, Volunteer Management Officer (DSWD)
Bilang kaisa ng DSWD, ang iVolunteer Philippines ay naglalayong maparami pa ang bilang ng mga volunteers na maghahatid ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng mga sakuna o kalamidad. Sa mga nagnanais magvolunteer sa DSWD, bisitahin lamang ang iVolunteer website o hindi kaya’y bisitahin ang official website ng ahensya upang malaman kung kailan ang susunod na relief operations.
Makiisa sa DWSD relief operations
Bukas ang DSWD sa sino mang nais maglaan ng kanilang oras para tumulong. Ilan nga sa volunteers na dumalo kasabay namin nitong Sabado ay nagmula sa dalawa sa mga kilalang BPO company dito sa Metro Manila.
“Motivation ko is Batanes. Si Batanes pinuntahan na namin nung May. Nakita ko yung pamumuhay ng tao. Hindi sila kasing privilege tulad natin na nasa Maynila — tapos nasalanta pa sila ng lindol. So, naisip ko paano na yung pamumuhay nila? Iniisip ko sa bawat nirerepack ko, mapupunta yun sa kanila.” – Daniel, BPO Employee.

Ilan pa sa mga nakausap naming volunteer ay sina Rhea at Mae na ilang beses na ring nakisali sa aktibidad na ito kasama ang kanilang mga kaibigan na sina Sarah, Joy, Cris, at Joyce. Ayon sa kanila, bukod sa initiative ng kanilang kompanya, nais rin talaga nilang magkakaibigan na ma-experience ang mag-volunteer. Sa katunayan, kumpiyansa silang hindi ito ang huling beses na sila’y makikibahagi sa isang volunteer activity.
Ang iVolunteer Philippines ang #1 volunteer platform sa bansa na ginawa ng mga volunteers para sa mga volunteers! Kagaya nila, pwedeng-pwede ka ring maging volunteer. Naniniwala ang iVolunteer na gaano man kalaki o kaliit ang ating maibibigay, mas mahalaga at mangingibabbaw ang pagnanais nating tumulong.
Ang maliit na effort, kung pagsama-samahin ay maaaring magdudulot ng malaking pagbabago. Alamin kung paano ka makakatulong — magsign-up na sa www.ivolunteer.com.ph para sa mas marami pang volunteer opportunities.
Photos by: Mary Grace Manzano
I want to be a volunteer in a repacking area.